Niratrat: 5 katao sugatan sa lamayan

Lima katao ang nasugatan kabilang ang isang babae matapos na paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang suspect ang isang lamayan kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila.

Kasalukuyang ginagamot sa Philippine General Hospital ang biktima na sina Gerry Ambrosio, 30; John Isaac Camacho, 18; Michael Francisco, 24, pawang mga residente ng San Pascual St. Malate, Maynila; Helen dela Cruz, 20, ng 2136 President Quirino, Pandacan at Clarito Vasquez, 35, ng 922-K Nakpil St. na ginagamot sa Ospital ng Maynila.

Ang mga biktima ay tinamaan ng bala ng 9mm na kalibre na baril.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya matapos na ilarawan ng mga biktima na ang mga suspect ay nakasuot ng T-shirt na may nakalagay ng SWAT at gupit pulis.

Sa report ni P03 Elmer Gutierrez ng WPD-Station 5, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng San Pascual Street.

Napag-alaman na nakikipaglamay ang mga biktima nang biglang dumating ang mga suspect lulan ng isang owner type jeep na walang plaka.

Nang mapatingin ang mga biktima sa mga suspect, sinigawan ito ng huli at sinabihan ng "anong tinitingin-tingin nyo dyan?" at walang sabi-sabing pinaputukan ang lugar ng lamayan na ikinasugat ng mga biktima. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)

Show comments