11 pulis na isinabit ni Soriano at mga biktima maghaharap

Maghaharap na ang 11 pulis na sabit sa extortion racket ni dating National Bureau of Investigation (NBI) agent Martin Soriano at ang kanilang nabiktima ngayong araw na ito.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Avelino Razon Jr., mayroon silang limang testigo na handang magpatunay na sangkot nga ang 11 pulis sa isasagawang police line-up ngayon na gagawin sa tanggapan ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) sa Camp Crame.

Matatandaang iniutos ni PNP chief Director Gen. Aglipay kay Razon ang pagsibak sa 11 pulis na kinabibilangan nina Supt. Marcelino Pedrozo, hepe ng Station 9 ng WPD; Insp. Casan Ali ng Police Station 9 (PS9); SPO1 Elmer Manalang, PS8; SPO2 Fernando Cantillas, PS5; PO3 Rodolfo Endrina, PS9; PO2 Arsenio Tercino, Beat Patrol Unit; PO2 Ernie Reyes, PS9; PO2 Alexander de los Reyes, PS9; PO2 Ronilo Marquez, PS9; PO1 Ronald Rivera, PS11; at PO1 Ramil de Guzman, PS5, upang hindi ma-harass at hindi mag-alinlangan ang mga testigong tatayo laban sa kanila matapos na isabit ni Soriano ang mga ito na kanyang mga kasama sa kanyang ilegal na aktibidades. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments