Misis napatay sa baril ni mister

Nasawi ang isang ginang matapos na aksidente itong maputukan ng baril na nilalaro ng kanyang mister habang nakikipagbiruan ang huli sa kanyang kainuman, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Pasig.

Nasawi habang ginagamot sa Rizal Medical Center ang biktimang si Rowena Roden, 34, ng 1586 Sampaguita St., Ismar, Purok 6, Brgy. Kalawaan ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng isang tama ng bala sa kaliwang mata.

Samantala, mabilis namang tumakas ang mister na si Rodrigo Roden, 33.

Sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa loob ng kanilang tahanan sa nabanggit na lugar.

Napag-alaman na nag-iinuman ang suspect at isang kaibigan na nakilala lamang sa pangalang Brian sa loob ng bahay ng una.

Nilalaro umano ng suspect at ng kanyang kaibigan ang kani-kanilang baril na kung saan ay biglang pumutok ang baril ng suspect at tinamaan ang kanyang misis sa mata.

Imbes na isugod sa pagamutan ay mabilis pang tumakas ang suspect nang makitang duguang bumulagta ang kanyang misis.

Ang kapatid na lalaki ng biktima ang nagdala dito sa pagamutan subalit hindi na rin nailigtas pa sa kamatayan.

Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang isang empty shell at isang bala ng kalibre .38 baril at isang empty shell ng 12 gauge shot gun.

Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya laban sa tumakas na suspect. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments