Saksak sa nagdamot ng pamasko

Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang isang binata matapos na saksakin ng lalaki na nanghingi ng pamasko kahapon ng umaga sa Makati City.

Ginagamot ngayon sa Ospital ng Makati ang biktima na si Arnel Bulawan, ng Blk.14, Tigermouse St. Brgy. Rizal na nagtamo ng saksak sa dibdib habang mabilis namang tumakas ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Badjo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5 ng umaga sa Maya St. ng nasabing lungsod.

Naglalakad ang biktima nang makasalubong nito ang suspect na bumati at nanghingi ng pamasko

Tumangging magbigay ng pamasko ang biktima kasabay ng pahayag na ‘hindi kita kilala’.

Dahil dito, agad na bumunot ng patalim ang suspect at walang sabi-sabing inundayan ng saksak ang biktima at agad na tumakas. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments