Iniharap sa media ni CPD Director Sr. Supt. Nicasio Radovan, Jr. ang mga suspect na sina Jerome Flores y Alonte at Argel Magdarado y Guevarra kapwa 18 anyos makaraang mahuli sa kanilang hideout sa isinagawang follow-up operation sa Tagaytay St. ng nasabing lungsod.
Ayon kay Radovan ang pagkakadakip sa dalawang suspect ay bunsod na rin ng mga testimonyang ibinigay ng mga testigo sa naganap na pamamaril kay Jelom Carlo Quizon, 14 at mga kasamang sina Gener Balangkit, 17 at Angelo Abangan, 18, sa panulukan ng Malindang at A. Bonifacion Ave. Brgy. NS Amoranto, Q.C. matapos na magsimbang gabi.
Si Quizon na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa katawan ay nasawi habang isinusugod sa Chinese Medical Hospital habang ginagamot naman ang dalawang kasama nito.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, matagal nang may alitan ang True Brown Style (TBS) gang ng mga suspect at ang Temple Street Trese (TST) ng mga biktima.
Dakong alas-5:15 ng umaga noong Sabado nang magkrus ang landas ng dalawang grupo at magkainitan hanggang sa humantong sa pamamaril. Lumilitaw din na isa pang apo ni Dolphy na si Mico Quizon ay miyembro ng TBS.
Kaugnay nito, hiniling ng mga naarestong suspect kay Mico na lumutang at sabihin ang katotohanan na wala silang kinalaman sa insidente. (Doris Franche)