Nakumpiska ng mga kagawad ng ESS ang may 100 gramo ng shabu na nakalagay sa loob ng isang wooden cuckoo clock.
Nahuli rin ang umanoy kontak ng sindikato sa Pilipinas sa isinagawang entrapment operation sa loob ng bodega ng United Parcel Service (UPS) sa NAIA.
Nakilala ang suspect na si Eduardo Silva, miyembro ng Phil. Army at kasalukuyang AWOL.
Ayon sa ulat, nakita ang ilegal na droga nang magsagawa ang ESS ng random check sa 100 pirasong cuckoo clock na nakatakda sanang dalhin sa Italy.
Isang Editha Faustino, ng Sta. Ana Road, Pacita Village San Pedro, Laguna ang umanoy shipper ng naturang kargamento at ang contact person naman ay si Silva.
Nang beripikahin ng ESS ang ibinigay na address at pangalan ng shipper lumalabas na fictitious ang mga ito.
Inamin ng suspect na matagal na silang nagpapadala ng ilegal na droga hindi lamang sa Italy kundi halos sa buong panig ng mundo kung saan maraming Pilipino.
Isinisingit umano nila ang maliliit na paketa ng shabu sa mga kargamentong bihirang rikisahin ng Customs.
Kasalukuyang sinusuri ng mga awtoridad ang iba pang cuckoo clock upang matukoy kung meron pa itong lamang shabu. (Ulat ni Butch Quejada)