Lalaki nag-Harakiri dahil sa sakit ng ulo

Mistulang ‘harakiri’ ang ginawang pagpapakamatay ng isang binata matapos nitong pagsasaksakin ng jungle bolo ang kanyang sarili dahil sa matinding sakit ng ulo, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente si Ricky Nagamos, 41, ng Brgy. 35, Sawata Area ng nasabing lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Joel Montebon, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima.

Ayon sa ulat, ilang araw bago ang insidente ay madalas na nakikita ang biktima na nangingisay dahil sa sakit ng ulo subalit hindi naman magawang makapagpatingin sa doktor dahil sa kawalan ng pera.

Nabatid pa na naging madamdamin ang ginawang pamamaalam ng biktima sa kanyang mga kaanak sa pamamagitan ng pagbibilin na ipagdasal ang kanyang kaluluwa sakaling bigla siyang mawala.

Sa pagsisiyasat pa ng pulisya, kahapon ay biglang inatake ng sakit ng ulo si Nagamos at nang hindi na nito makayanan ang matinding sakit ay agad na kumuha ng jungle bolo sa kanilang kusina at walang sabi-sabing pinagsasaksak sa kanyang buong katawan.

Sinabi rin ng ilang kamag-anak ng biktima sa pulisya, kahit duguan na ang biktima at halos wala nang lakas ay patuloy pa ring itinatarak nito ang jungle bolo sa katawan hanggang sa tuluyan itong mawalan ng buhay.

Base sa pagsisiyasat ng SOCO, tinatayang aabot sa sampung saksak ang tinamo ni Nagamos sa kanyang katawan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments