Sinalakay ng mga awtoridad ang Firjamm Training Center na nasa 173 Unit D-8 Wilvic Townhouse, Sct. Limbaga matapos na makatanggap ng ulat na may 30 kababaihan ang nakakulong sa nasabing lugar.
Ayon sa mga kababaihan na galing Davao del Norte, Tarlac, Bicol at Bulacan ang kanilang employer ay nakilala sa pangalang Rowena Toledo.
Nabatid sa ginawang pagsalakay na walang kaukulang lisensiya ang nasabing training center.
Isinalaysay ng mga biktima na pinangakuan sila ni Toledo ng trabaho sa Japan bilang mga entertainer anim na buwan na ang nakakaraan subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa sila nakakaalis bagkus dumanas pa sila ng sobrang hirap at pananakit nito.
"Hindi kami pinalalabas at laging naka-padlock ang pinto at ang mga bisita namin ay sa labas lang namin nakakausap," pahayag pa ng isang biktima.
Inireklamo din ng mga biktima ang pagkakaroon pa nila ng utang kay Toledo habang nasa promotion agency sila. Isa sa mga biktima si Maricel Lastra na umanoy sinisingil ni Toledo ng P22,000 sa loob lamang ng dalawang buwang pananatili sa promotion.
Kadalasan umanong sinisingil ni Toledo ang mga biktima ng P350 bawat araw at habang ang iba naman ay P150 subalit hindi sila pinakakain ng sapat.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng mga awtoridad si Toldeo at inihahanda na ang kasong serious illegal detention laban dito. (Ulat ni Doris Franche)