Mag-amang nasa footbridge inaresto

Tila nagka-trauma na ang mga pulis ng Central Police District (CPD) matapos na pagbawalan at arestuhin ang isang mag-ama na nakatambay sa footbridge sa Cubao kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Dinala sa CPD-Kamuning Police Station si Bongbong Tumpalan, 22, at anak nitong si John Ray, 1, matapos na mapaupo sa footbridge sa panulukan ng Aurora Blvd. at EDSA.

Subalit ayon naman kay Tumpalan, wala naman siyang balak na tumalon tulad ng ginawa ni Nestor Silang Sr. noong Setyembre 3, sa footbridge ng Commonwealth Ave. kung saan namatay ang anak nitong si Nestor Jr. matapos na mabagok ang ulo.

Ayon kay Tumpalan, magpapalipas lamang sila ng gabi dahil galing sila sa Isabela. Lumuwas sila sa Maynila dahil nais na ibenta ng kanyang asawa ang kanilang anak.

Iginiit naman ng mga arresting officer na ginawa lamang nila ang kanilang tungkulin sa takot na maulit ang insidente ng hostage taking sa Commonwealth.

Agad namang binigyan ng pera ni Supt. Wilredo Aton ng Kamuning Police Station si Tumpalan upang maka-uwi na sa kanyang pamilya. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments