Sa panayam ng PSN, tahasang sinabi ni SPO2 Antonio Emmanuel, pangulo ng Manilas Finest Brotherhood Association (MFBA) na hindi sila magsusuot ng anti-kotong pins kahit pa inatas ito ni PNP Chief Director General Edgar Aglipay sa dahilang simbolo umano ng organization ng PNP ang kanilang uniporme at ang pagsabit ng naturang pin ay labis na makakasira sa kanilang imahe sa halip na makatulong.
Mistula na rin umanong inamin ng pulis na magsusuot nito na sobrang talamak na ang pangongotong sa lahat ng tauhan ng PNP na siyang tatatak sa isipan ng publikong makakakita sa mga pins.
Tinuligsa rin ni Emmanuel ang pagbibigay ng pangalang TABA cops (Tamad, Abusado, Bastos at Ayaw padisiplina) sa mga scalawags na pulis na lalong nagdidiin sa kabulukan ng imahe ng PNP.
Mas nararapat umano na bumuo ng mga programa ang PNP na pupuri sa mga mararangal at tapat na pulis at magbigay ng insentibo para tumaas ang moral ng pulisya kaysa bansagan sila ng pangalan na nadadamay ang lahat.
"Lalo lang nilang pinapapangit ang imahe ng PNP, pinababa pa nila ang moral ng marami," dagdag pa ni Emmanuel. (Ulat ni Danilo Garcia)