Trader na lolo nag-suicide

Winakasan na ng isang negosyanteng lolo ang kanyang buhay na nakaratay at dumaranas nang hirap dahil sa sakit na lung cancer matapos na magbaril sa sarili kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Edgardo Maranan, 69, may-asawa, may-ari ng Link Seas Brokerage at nakatira sa 883 Balayan St., Dagupan, Tondo bunga ng isang tama ng .357 kalibreng baril sa ulo.

Sa pagsisiyasat ni Det. Jericho Jimenez ng Western Police District-Homicide Division, bandang alas-8 ng umaga nang makarinig ng isang malakas na putok ang mga kasambahay ni Maranan na nagmumula sa silid nito.

Nang buksan ng mga ito ang nasabing kuwarto ay tumambad ang nakahandusay, duguan at wala nang buhay na biktima at may tama ng baril sa gitna ng kanyang noo.

Nabatid na una nang binigyan ng taning ng hanggang nakalipas na Agosto na lamang ang buhay ng biktima subalit nagawa pang makaabot nito ng Setyembre.

Gayunman, bunga ng hindi na matiis na sakit na nararamdaman, posibleng ito ang nagbunsod sa pagpapatiwakal ng naturang lolo.

Nakuha sa tabi ng biktima ang baril na ginamit nito sa pagpapakamatay. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments