Ipatutupad ang toll fee holiday sa Sept. 6 at 7. Ginawa ang toll holiday upang mabawi ng mga nagdaraan dito ang mataas na siningil sa kanila ilang buwan na ang nakakaraan.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng SLEX, pinakamarami ang dumaraan sa SLEX kapag araw ng Lunes at Martes kung kaya ito ang pinili nilang araw.
Nauna nang sinabi ng TRB officer-in-charge chairman na si Felipe Aguinaldo na ang toll holiday ay ang pinakapaborableng solusyon upang maibalik ang sobrang siningil sa mga motorista lalo at marami sa mga driver ang hindi nagtago ng ticket na ibinibigay sa mga toll way gate.
Inamin ni Aguinaldo na hindi rin malinaw kung ilang sasakyan talaga ang dumaan sa mga SLEX nang ipatupad ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) ang 72 sentimong dagdag bawat kilometro sa toll fee.
Tinatayang umabot ng P5 million ang sobrang kinita ng PNCC sa naturang sobrang singil. Ang naturang halaga ay ibibigay naman sa PNCC bilang kabayaran sa dalawang araw na toll holiday. (Ulat ni Edwin Balasa)