Nabatid mula sa pag-aaral ng Bureau of Land Management (BLM) taun-taon simula noong dekada 90 ay lumulubog ang lupa ng CAMANAVA partikular sa lugar na sumasakop sa Malabon at Navotas.
Isa sa itinuturong dahilan ng patuloy na paglubog ng buong mga nabanggit na lugar ay dahil na rin sa madalas na pagbaha na labis na nakapagpapalambot ng lupa partikular ang mga tinambakan upang gawang kabahayan.
Ayon pa sa mga kinatawan ng BLM sa ginanap na CAMANAVA summit sa Valenzuela City, dapat na agad na makipag-ugnayan ang mga lokal na opisyal sa PAGASA, DENR at PHIVOLCS upang mabigyan ng solusyon ang patuloy na paglubog ng naturang lugar.
Dahil dito, agad na nanawagan si Malabon City Mayor Tito Oreta at Toby Tiangco ng Navotas sa tatlong nabanggit na ahensiya upang mabigyan sila ng pansin at maagapan ang paglala ng kanilang problema sa kadahilanang ang kanilang mga nasasakupan ang unang mawawala sa mapa kung sakaling patuloy na lulubog ang CAMANAVA.
Idinagdag pa ni Mayor Oreta na lubhang nakababahala ang rebelasyon ng BLM dahil batid nito na ilang bahagi ng kanyang nasasakupan ay patuloy na lubog sa halos hanggang dibdib na tubig partikular sa Brgy. Panghulo at Dampalit.
Sinabi pa nito, kailangang maging maagap ang tatlong ahensiya sa pagtuklas ng tunay na dahilan ng paglubog ng CAMANAVA upang mahanapan ito ng solusyon sa lalong madaling panahon. (Ulat ni Rose Tamayo)