Yaya natakot makulong, tumalon sa rooftop

Himalang nakaligtas sa kamatayan ang isang 19-anyos na yaya makaraang tumalon umano ito sa rooftop ng limang palapag ng bahay ng kanyang amo, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng bali ng buto sa ibat-ibang bahagi ng katawan at putok sa ulo ang biktimang si Jessica Umana, yaya ni Mary Grace Mejia Bernardo na anak naman ni Supt. Eduardo Mejia, hepe ng Traffic Enforcement Group (TEG) ng Eastern Police District (EPD).

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi makaraang tumalon sa rooftop ng limang palapag na bahay ng mag-asawang Bernardo ang biktima sa #115 Doña Juana Subdivision 3, Brgy. Santolan ng nabanggit na lungsod.

Nauna dito, inakusahan ni Mary Grace, asawa ng sikat na basketball player ng Fed Ex na si Ryan Bernardo ang biktima na nagnakaw ng kanyang mga alahas, subalit itinanggi naman ito ng huli at sinabing damit lang ang kanyang kinuha at hindi kasama ang mga alahas.

Sa takot ng biktima na baka ipakulong siya ng amo ay nagtatakbo ito sa kusina at kumuha ng patalim at nagtangkang saksakin ang sarili subalit agad itong napigilan ni Mary Grace at naagaw ang kutsilyo.

Hindi pa nakuntento, mabilis naman itong umakyat ng rooftop sa ika-limang palapag ng bahay at doon ay tumalon, sinuwerte namang bago ito tuluyang bumagsak sa semento ay sumabit pa ito sa puno kaya hindi naging malakas ang pagbagsak nito.

Mabilis namang naisugod sa nasabing pagamutan ang biktima. (Edwin Balasa)

Show comments