Ayon kay Mar Garvida, Pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) bukod sa pagkondena sa ginawang ito ng nabanggit na mga gasolinahan, hindi na rin sila magpapakarga pa sa mga gasolinahang ito na napatunayan ng QC government na nandaraya sa mga motorista.
Binigyan na rin nila ng kopya ng listahan ng mga manlolokong gasolinahan ang kanilang mga miyembro para hindi na puntahan ng mga ito.
Bukod dito, binigyang diin pa ni Garvida na mula bukas (Setyembre 3) ay sisimulan nila ang noise barrage sa mga gasolinahan at sa susunod na linggo ay regionwide ang kanilang isasagawang pagkilos.
Bago anya matapos ang buwan ng Setyembre, ipatutupad na nila ang nationwide paralization ng operasyon ng may 250,000 nilang miyembro sa buong bansa bilang patuloy na protesta sa sunud-sunod na oil price increase.
Hinikayat din ng PISTON ang pamahalaang Arroyo na magpatupad na ng mabilisang hakbang upang matigil na ang serye ng oil price increase sa bansa.
"Maaari namang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng halaga ng gasolina kung talagang gagawin ito ng Pangulo at tututukang mabuti ang usaping ito na lubhang nagpapahirap sa taumbayan," pahayag pa ni Garvida. (Ulat ni Angie dela Cruz)