Kinilala ni NBI director Reynaldo Wycoco ang suspect na si Eddie Delumin, 38, residente ng Genito Apt. I, Tandang Sora, Quezon City.
Lumalabas sa imbestigasyon ni Atty. Romulo Asis ng Anti-Human Trafficking Division na dakong alas-5 ng hapon noong Agosto 24 nang harangin ng isang puting kotse na may plakang XLU-133 ang sinasakyang tricycle ng mga biktimang sina Jim Avancena at Angielyn Castillo.
Kaagad umanong bumaba ang tatlong armadong lalaki at nagpakilalang mga PDEA agent at inutusan ang mga biktima na sumakay sa kanilang sasakyan. Mabilis na kinuha ng mga suspect ang kanilang mga cellphones at 2,000 pisong cash.
Sinabi pa umano ng mga suspect na dadalhin sila sa Camp Crame, subalit nagpaikot-ikot lamang umano sila sa Quezon City kung saan hinihingan sila ng halagang P100,000 hanggang sa bumaba ito sa halagang P20,000 bilang ransom.
Bandang alas-7:30 ng gabi ng nasabi ring araw ay pinalaya si Avancena sa paligid ng SM North EDSA at pinagbilinang maghanap ng nasabing halaga sa loob ng isa at kalahating oras. Habang si Castillo naman ay inilipat sa ibang sasakyan at dinala sa kanilang hideout sa Quezon City.
Subalit nakapag-produce lamang si Avancena ng halagang P10,000 at isang video camera at saka nito kinontak ang mga kidnappers sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone. Pero dala ng matinding takot ay nagsumbong na rin ito sa NBI.
Kaagad namang nakipag-ugnayan ang NBI sa NAKTAF at isinagawa ang rescue operation kinabukasan dakong alas-4 ng madaling araw. Gayunman napansin ng mga awtoridad ang sumusunod sa kanilang isang puting taxi na nang kanilang pinara ay mabilis na sumibad ng takbo.
Bumangga ito sa dalawang sasakyan ng mga operatiba dahilan upang maaresto ito.
Positibo namang itinuro ni Avancena si Delumin na isa sa anim na dumukot sa kanila.
Matapos ang dalawang oras ay nasagip na si Castillo sa Gil Puyat Avenue matapos siyang iwanan doon ng iba pang suspect. (Ulat ni Gemma Amargo)