Iniharap kahapon sa mga mediamen ni PNP chief Director General Edgar Aglipay ang mga nadakip na sina PO1 Ashley Gamulo, 29, nakatalaga sa District Support Group ng Southern Police District at PO1 Raymond Sabino, 36, na nakatalaga naman sa Regional Headquarters Support Group ng NCRPO.
Ang dalawang parak ay nadakip sa may Harrison Plaza Complex, M.H del Pilar sa panulukan ng Vito Cruz, Malate dakong alas-11 ng umaga kahapon.
Isinagawa ang entrapment operations laban sa dalawang nabanggit na pulis bunsod sa reklamong iniharap ni Joy Garcia, 27, ng San Roque, San Antonio, Cavite City.
Ayon sa ulat, kinuha ng mga suspect kay Garcia ang Nokia cellphone nitong Model 7250I na nagkakahalaga ng P18,000 habang naglalakad ito sa harapan ng Kentucky Fried chicken sa Harrison Plaza Complex kamakalawa.
Sinabi umano ng dalawang pulis kay Garcia na mababalik lamang niya ang kanyang cellphone kung magbibigay siya ng P2,000 cash.
Lingid sa kaalaman ng mga suspect ay agad na nagsuplong sa pulisya ang biktima at saka inilatag ang entrapment operations na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Nasamsam din mula sa pag-iingat ng mga suspect ang P2,000 marked money na ginamit sa entrapment operations, isang drivers license, dalawang cellphones, kulay asul na motorsiklo na walang plaka. Agad ding dinisarmahan ang dalawa matapos madakip.
Ang dalawa ay nahaharap sa kasong robbery holdup, robbery extortion at karagdagang kasong illegal possession of firearms.
Isasalang din ang mga ito sa summary dismissal proceedings dahil sa pagkakasangkot sa ganitong mga ilegal na aktibidades. (Ulat nina Joy Cantos at Gemma Amargo)