Jawo-Yap shootout buksan uli - Reyes

Muling pinabubuksan ni Interior and Local Government Secretary Angelo Reyes ang Jaworski-Yap shooting incident matapos na idismis ng piskalya ang kasong kriminal laban sa mga ito na anak ng mayayaman at maimpluwensiyang pamilya.

Ayon kay Reyes, kailangan na muling mabuksan ang kasong kinasasangkutan ng anak ni dating Senador Robert Jaworski na si Ryan, 30; at Angelo Yap, 14, matapos na idismis ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office ang kasong kriminal dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya na iniharap ng pulisya.

Dapat umanong mapag-aralang mabuti ang kaso, partikular ang mga inilatag na ebidensiya at tuloy mangalap ng mga bagong testigo para mapalakas ang kaso dahil nakasalalay umano dito ang interes ng publiko.

Matatandaan na mariin ang pagtanggi ng dalawang pamilya na magbigay ng anumang pahayag sa kaso laban sa isa’t isa kung kaya’t nahihirapan ang pulisya na malutas ang barilang naganap noong Hunyo 21 sa likod ng Saisaki Restaurant sa Greenhills, Mandaluyong City.

Binanggit pa ni Reyes na malaking kuwestiyon sa publiko ang pagkakabasura sa kaso lalo pa nga’t mga prominenteng pamilya ang nasasangkot sa krimen.

Sinabi naman ni Supt. Ericson Velasquez, hepe ng Mandaluyong police na wala silang magagawa kundi irespeto ang desisyon ng prosecutors, gayunman gagawin pa rin nila ang lahat ng kanilang makakaya para muling mabuksan ang kaso.

Samantala, pinaiimbestigahan naman ni Reyes ang mga pulis na humawak sa kaso upang malaman kung may liability ang mga ito sa pagkakadismis ng kaso. (Ulat nina Doris Franche at Edwin Balasa)

Show comments