Reklamong rape kay dating Senador Osmeña,ibinasura

Tuluyang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong rape laban kay dating Senador John Osmeña matapos itong ireklamo ng self-confessed ‘call boy’ na umano’y naka-date nito.

Sa apat na pahinang resolution na ipinalabas ni Senior State Prosecutor Emilie Fe Delos Santos, napatunayan na gawa-gawa lamang ang nasabing reklamo ng complainant na si Diego Gomez.

Ayon sa DOJ, napatunayan ni Osmeña na noong alas-4- hanggang alas-6 ng gabi ng Pebrero 5, 2004 siya ay dumalo sa session sa Senado at siya ay wala sa Tagaytay, tulad ng sinasabi ng complainant.

Isang matibay na ebidensiya aniya, ang journal’s roll call ng senado na nagpapatunay na siya ay dumalo sa nabanggit na sesyon.

Sinabi pa ni Delos Santos na maituturing na pekeng complainant si Gomez matapos na hindi nito daluhan ang mga itinakdang pagdinig sa kasong isinampa nito laban sa dating senador.

Napatunayan din ng dating senador na noong nasabing petsa ay nakipagpulong siya sa ilang kongresista at local government officials sa Emerald Hotel sa Roxas Boulevard sa Maynila. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments