Ayon kay Atty. Felix Racadio, Officer-in-Charge ng LTFRB, inaprubahan na ng naturang ahensya ang P5 taas sa flagdown rate na ipapatupad na sa susunod na buwan.
Ayon sa LTFRB, inaprubahan na nila ang petisyon ng Association of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMM) na gawing P30 mula sa dating P25 ang flagdown rate ng mga taxi at dagdag na P2.50 para sa susunod na 750 metrong itatakbo nito at dagdag na P2.50 uli kada 75 segundong waiting time.
Ayon pa kay Ricadio, medyo tumagal ang paglalabas ng desisyon dahil iginiit ng ATOMM ang P40 nilang unang hirit subalit nagkasundo rin sa P30.
Ayon naman kay ATOMM president Leonora Naval, kailangan nila ng nasabing increase dahil halos lahat ng presyo ngayon ay nagtataasan na at ito ang kauna-unahang pagkakataon na itinaas ang flagdown rate ng taxi mula pa noong nakalipas na apat na taon. (Ulat ni Edwin Balasa)