Gawaan ng pekeng VCD sinalakay

Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Optical Media Board (OMB) at ng Malabon City Police ang isang pabrika na gawaan ng mga pekeng VCD, kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.

Dakong alas-7 ng gabi nang salakayin ng OMB na pinamumunuan ni Edu Manzano at ng Malabon City Police ang isang warehouse na matatagpuan sa Lansones Road, Brgy. Potrero ng nasabing lungsod.

Ang pagsalakay ay base na rin sa search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Benjamin Aquino ng Malabon-Navotas Regional Trial Court (RTC).

Walang nahuling empleyado sa loob ng warehouse at maging ang sinasabing may-ari nito na isang babaeng Intsik ay hindi rin inabutan ng raiding team.

Nakuha naman sa ginawang pagsalakay ang isang screen printing machine, dalawang replicating machine at 1,600 piraso ng mga duplicated VCD at ilang kagamitan sa paggawa ng mga pekeng produkto.

Nabatid na isang hindi nagpakilalang caller ang nagbigay ng impormasyon sa mga tauhan ng OMB kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang mga ito sa lokal na pulisya at saka isinagawa ang raid sa naturang warehouse.

Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang matunton ang pinagtataguan ng mga hinihinalang miyembro ng sindikato ng mga pirated VCD. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments