Kinilala ni PNP- CIDG director Chief Supt. Arturo Lomibao ang nasakoteng suspect na si Federico Peter Geronimo na iniharap sa mediamen sa Camp Crame.
Nabatid na hindi na nakaporma pa si Geronimo nang salakayin ang kanyang shop ng pinagsanib na tauhan ng Counter Terrorism Section at Office of Business Concern ng PNP-CIDG dakong alas-10 ng umaga.
Inihayag pa ni Lomibao na ibinunyag ni Geronimo sa isinagawang tactical interrogation na nagseserbisyo din siya sa ilang unit ng PNP at AFP subalit tumanggi naman itong tukuyin ang nasabing mga units.
Nasamsam mula sa pag-iingat ni Geronimo ang 25 piraso ng cal. 22 airgun rifles; 8 machine pistol; 2 kalibre 45 pistola; 1 cal. 25; 1 cal. 38; 1 M 16 rifle; 2 garand rifle; mga magazine ng bala; dalawang bala ng RPG; drill machine; acetylene tanks; grinders at ilang kagamitan sa paggawa at pagkukumpuni ng mga baril.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong illegal possession at illegal manufacturing of firearms laban sa nasakoteng suspect. (Ulat ni Joy Cantos)