Kinilala ni PNP Anti-Illegal Drugs Task Force chief Deputy Director Edgar Aglipay ang mga nasakoteng suspect na sina Elmer Avancena, Jaime Popioco, Eric Nazareno, Gil Grefaldo at Nolasco Taytay, na pawang mga ahente ng PDEA at si Generoso Jaymalin, miyembro ng BFP.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ang isa pang suspect na si Tony Jabalo na pinaniniwalaang lider ng grupo.
Nabatid na ang mga suspect ay nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER), Anti Crime Task Force (ACTAF) at PNP-AID-SOTF sa isang entrapment operation sa Makati City dakong ala-1 ng hapon.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang biktimang si Rizaldo Policarpio ng Brgy. Bangkal, Makati City ay dinukot ng mga suspect malapit sa kanyang tindahan sa naturang lugar.
Nang sumunod na mga araw ay tumawag umano ang mga suspect sa ama ng biktima na si Mr. Alfonso Policarpio at humihingi ng P150,000 kapalit ng pagpapalaya sa anak at hindi na umano itutuloy ang pagsasampa ng kaso na may kinalaman sa droga laban dito.
Nabatid na agad na nakipag-ugnayan ang ama ng biktima sa PNP-AID-SOTF na naghanda ng patibong laban sa mga suspect.
Dinakip ang mga suspect sa aktong tinatanggap ang pera buhat sa matandang Policarpio sa isang lugar sa Evangelista St., Brgy. Bangkal sa Makati City.
Ang anim na suspect ay lulan ng isang kulay puting Toyota Revo na may plakang XJH-776 nang dakpin ang mga ito ng mga nakaposteng awtoridad. Nasamsam sa mga nadakip ang anim na baril at mga bala.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga nadakip na suspect. (Ulat ni Joy Cantos)