Nakilala ang mga nasawing suspect na sina Dennis Canezo, 32 at Ariel Estrelles, habang ang vendor naman na tinamaan ng ligaw na bala ay nakilalang si Rogelio Lacaste.
Nadakip naman ang isa pa sa mga suspect na si Ronald Partillo, 19.
Sugatan naman sa panig ng mga awtoridad sina PO3 Roberto Zapata at PO3 Raul Baldomar, kapwa nakatalaga sa WPD Special Weapons and Tactics (SWAT) unit. Nasa malubhang kondisyon din naman ang isa pang bystander na si Thelma De Vera, 40.
Nabatid sa inisyal na ulat na dakong alas-7:30 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang WPD ukol sa mga kalalakihang armado ng mga baril at kahina-hinalang nakaistambay sa tapat ng Aranque Market sa Sta. Cruz, Maynila.
Agad na nagresponde ang mga tauhan ng SWAT kung saan agad silang pinaputukan ng mga suspect na mabilis na nagsipanakbo. Dito na unang sumambulat ang palitan ng putok kung saan tinamaan ang suspect na si Canezo habang nagsitakbo naman ang dalawa niyang kasama.
Umabot ang habulan sa San Trans bus terminal sa may Doroteo Jose St. kung kaya nagawang makapagtago ng dalawang suspect sa mga nakaparadang bus. Tinamaan naman ng bala ang mga pulis na sina Zapata at Baldomar nang silipin ng mga ito ang mga suspect sa ilalim ng bus. Muling gumanti ng pagpapaputok ng baril ang mga pulis na dito na tinamaan si Estrelles habang nasukol naman si Partillo.
Nadamay din ang dalawang sibilyan na si Lacaste na nasawi sa insidente at si De Vera na nasugatan.
Narekober sa mga suspect ang dalawang kalibre.45 baril at isang kalibre.38 revolver, mga bonnet na pinaniniwalaang ginagamit ng mga ito sa panghoholdap.
Sa loob naman ng istasyon ng pulis, itinanggi ni Partillo na mga holdaper sila. Ayon sa kanya, inaabangan umano nila ang isang tao na dadaan sa naturang lugar na siyang pumatay sa kanyang lolo. (Ulat ni Danilo Garcia)