Shabu, marijuana at cellphone nakumpiska sa jail

Nakuha ng mga tauhan ng Manila City Jail (MCJ) sa dalawang selda dito ang shabu, marijuana at cellphone sa isinagawang mga Greyhound operation kamakalawa.

Sa report na isinumite ni MCJ Warden Supt. Gilbert Marpuri kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) chief Director Arturo Alit, isinagawa ang Greyhound bunsod na rin ng impormasyon na may mga presong nagtatabi ng mga kontrabando sa kanilang mga selda.

Unang nahulihan ng isang sachet ng marijuana ang preso na si Busran Macala sa selda 8 na may kasong kidnapping, homicide at frustrated homicide.

Nakumpiska rin dito ang apat na cellphone, cellphone chargers, camera, baraha, lagareng bakal, pornographic magazine at VCD at pekeng P500.

Ilang minuto naman ang nakalipas nang isang sachet naman ng shabu ang nakuha mula sa presong si Jack Patnugot, 36, na may kasong murder at nasa selda 4.

Ayon pa sa report ni Marpuri, pinangunahan niya ang Greyhound upang maiwasan ang pangungutsaba ng mga jail personnel at preso.

Naniniwala umano ito na may mga tauhan ng MCJ ang sangkot sa mga katiwalian dito at ito aniya ang kanyang susunod na lilinisin. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments