Ayon kay BI Commissioner Alipio Fernandez, nagpalabas na ng HDO ang BI laban kay Bebs Reyes, alinsunod sa kahilingan ng Manila Regional Trial Court na dumidinig sa kaso nito at ng kasamahang suspect na si Philippe Marcelo.
Una nang naging subject ng manhunt si Reyes ng mga awtoridad matapos na magpalabas ng arrest warrant si Manila RTC Judge Reynaldo Alhambra laban sa kanya.
Magugunita din na inilagay ng BI sa watchlist si Reyes, anak ng isang opisyal ng BI noong May 18, matapos na hindi ito sumuko makaraang ituro ito ni Marcelo na siyang pumatay at humalay sa biktimang si Castro.
Magugunitang si Castro ay nakitang patay sa loob ng condominium nito sa Malate noong Mayo 12 matapos halayin at paslangin ng mga suspects.
Hindi sumipot si Reyes sa itinakdang arraignment noong nakaraang Miyerkules kung saan tanging abogado lang nito ang nagpakita sa korte at humiling na muling itakda ang nasabing pagdinig. (Ulat ni Grace dela Cruz)