Ang insidente ay tinuligsa ng Camp Aguinaldos Concessionaire Association kung saan wala nang magawa ang mga ito kundi lisanin ang lugar matapos na simulang gibain dakong alas-8 ng umaga ng mga tauhan ng Headquarters Support Command (HSC).
Ayon kay Manuel Prado, presidente ng Concessionaires Group na isang Alex Nobleza na inatasan niyang kumuha ng video ang inaresto rin ng personnel ng HSC na tinatayang aabot sa 20 ang bilang na pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas.
Sa panig naman ni HSC Legal Officer Major Serme Ayuyao, sinabi nito na legal ang basehan sa isinagawa nilang demolisyon matapos na ibasura ng korte ang inihaing TRO ng nasabing samahan.
Ang hakbang umano ay naglalayong bigyang daan ang pagbubukas ng Soldiers Mall upang matugunan ang pangangailangan ng mga AFP personnel sa loob ng punong himpilan ng militar.
Taong 2000 pa umano nila inabisuhan ang mga may-ari ng stalls para bakantehin ang lugar pero binabalewala ito ng mga kinauukulan hanggang sa mapilitan silang buwagin na ang mga stalls. (Ulat ni Joy Cantos)