MMDA chairman nalalagay na naman sa balag-ng-alanganin

Matapos na mabigong bawiin ang P10-milyon na advance payment na ibinigay sa ITP Construction para sa nabinbing konstruksiyon ng North Transport Terminal A Project sa Quezon City, nasasangkot na naman si MMDA Chairman Bayani Fernando matapos nitong bigyan ng extension ang rental contract ng mga umano’y mga "allies" nito.

Batay sa report, pinirmahan umano ni Fernando ang contract extension ng J.S Cruz Enterprises para sa anim na units ng 10-wheeler dump truck para sa umano’y pagpapabuti ng Marikina Interceptor sa Marcos Highway sa Marikina City.

Lumilitaw sa record na si Juanito S. Cruz may -ari ng J.S. Cruz Enterprises ng 25 Mabuhay St. Nangka, Marikina City ay dating barangay captain at political supporter ni Fernando.

Unang binigyan ng kontrata para sa anim na unit ng 10 wheeler truck ni Fernando si Cruz noong Marso 13,2002 na matatapos ng Hunyo 13, 2003.

Subalit nabigyan ng apat na ulit na extension contract ito ni Fernando mula June 14,2003-Sept.13,2003; Sept. 14,2003-Dec.31, 2003; Jan.1,2004-March 31, 2004 at April 1, 2004 hanggang June 30, 2004. Ang bawat tatlong buwang rental contract ay umaabot sa P3,486,600.01.

Noong Enero 5, 2004 inaprubahan din ni Fernando ang extension ng rental contract ni Joselito Nicolas ng GLW Trading and Trucking Services. Natapos ang kontrata nito noong Disyembre 31, 2003. Nakatira si Nicolas ilang metro lamang ang layo sa bahay ni Fernando.

Napag-alaman na may 269 heavy equipment at 47 dump trucks ang MMDA na nakatalaga sa iba’t ibang ahensiya kung kaya’t nakapagtataka na nangongontrata pa ang MMDA. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments