Kasalukuyang nahaharap sa kasong anti-fencing law sina Kenny Sy, 44; ang asawa nitong si Ma. Cecilia Sy, 33, kapwa ng Brgy. Arkong Bato, Valenzuela City; Cimpson Lao, 44; at Alex Chua Tang, 40, ng Brgy. Marulas ng nabanggit ding lungsod.
Base sa ulat, unang naaresto ang mag-asawang Sy sa kanilang bahay dakong alas-4 ng hapon nang magsagawa ng follow up operations ang mga awtoridad.
Sina Sy ang itinuturong nagbebenta ng mga nakaw na spare parts ng kotse at nang tanungin ang mga ito ng arresting officer kung saan galing ang mga itinitinda ay itinuro naman ng mga ito sina Lao at Tang na siyang nagbabagsak sa kanila.
Ang dalawa ay nadakip din makalipas ang ilang oras.
Ang pagkakadakip sa apat na Intsik ay base na rin sa reklamo ng isang Edgardo Anthony Landrito, company driver ng Trade-In Transnational Distribution Express Inc.
Ayon kay Landrito, kasalukuyan umano niyang minamaneho ang isang puting Mitsubishi Canter nang bigla na lang siyang harangin ng isang grupo ng kalalakihan na pawang nakasuot ng bonnet sa panulukan ng C-5 Road at Ortigas Avenue sa Pasig City,
Tinanggay ng mga ito ang mga car accessories na idedeliber sana niya sa Baguio City, kasama sa tinangay ang minamaneho niyang sasakyan hanggang sa makatanggap ng impormasyon ang pulisya na sa mag-asawang Sy dinala ang mga ninakaw na spare parts na karamihan ay mga mamahaling gulong.
Nasamsam sa mga nadakip ang isang puting L-300 van na may kargang 21 pirasong brand new Simex tires at 50 piraso ng ibat ibang uri pa ng gulong. (Ulat ni Rose Tamayo)