Sa pahayag ni Teresita Ang-See, chairperson ng Citizen Action Against Crime (CAAC), hindi napapanahon na buwagin ang NAKTF dahil sa ito lamang ang naging epektibong sandata ng pamahalaan laban sa kidnapping.
Premature pa umano ang naging pahayag ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tuluyang nalinis na ang bansa sa KFR group dahil sa may natanggap silang ulat na apat na insidente pa nang pagdukot ang naganap sa Laguna at dalawa naman sa Las Pinas.
Dahil umano sa naturang pahayag, maaaring magsaya ang mga KFR group at maging aktibo sa kanilang operasyon. Kahit na nalansag ang ilang grupo, makakapagpatuloy pa rin naman umano ang mga ito sa mga pagdukot dahil sa nakakalaya pa ang mga galamay ng mga ito.
Hindi naman umano nila masisi ang Pangulo sa pahayag dahil sa sinabi lamang niya ito buhat sa impormasyong ibinibigay sa kanya ng pulisya.
Magugunitang tuluyan nang binuwag ni Pangulong Arroyo ang NAKTF at pinalitan na lang ito ng General Anti-Crime Task Force na pamumunuan ni PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane.
Ito ay dahil sa inaasahang pagreretiro ni Ebdane sa PNP na ihahayag umano ng Pangulo anumang araw. (Ulat ni Danilo Garcia)