Ang grupo ng mga dalubhasa sa droga ay dumating dakong hapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lulan ng Singapore Airlines flight mula sa Lion City.
Kabilang sa mga top experts na bumalik sa bansa mula sa pagsasanay ay ang mag-asawang Eddie at Chit Castillo, pangulo at bise-presidente ng Seagulls Flight Foundation Inc., kung saan ay sinamahan ito nina Dangerous Drugs Board (DDB) Asst. Secretary Dr. Rommel Garcia, Dr. Roberto Ramirez, presidente ng Bulacan Drug Rehabilitation Center, Feliciano Agravante ng DAWN Foundation, Martin Infante ng SELF Foundation at Eva Ponce De Leon, kinatawan ng non-government organization.
Sponsor ng Colombo Plan Drug Advisory Program, ang workshop ay dinaluhan ng may 70 kinatawan mula sa 17 Asian countries, kabilang na ang Pilipinas.
Ayon kay Jerry Yap, SFFI board of trustee, tinalakay ng mga Pinoy drug expers sa pamumuno ni Castillo ang isyu hinggil sa Human Resource Development at ang epektibong solusyon para sa pagpapagaling ng mga lulong sa droga na ipinatutupad ng pasilidad nito na tinaguriang Therapeutic Community Modality.
Nabatid na sina Ed at Chit Castillo, ang siyang may-akda ng manual na itinatampok ang pamamaraan na kanilang natutuhan sa Daytop International sa New York, USA.
Pinapurihan naman ni Director Tay Bian How ng Drug Advisory Program ng Colombo Plan ang mga lumahok sa workshop seminar dahil sa suporta at aktibong pagsugpo sa lumalalang suliranin sa illegal drugs sa kanilang bansa. (Ulat ni Butch Quejada)