Magkapatid dinedo ng sekyu

Kapwa nasawi ang magkapatid na helper mechanics matapos itong pagbabarilin ng nakaalitang security guard kahapon ng umaga sa Quezon City.

Kinilala ni Supt. Popy Lipana, hepe ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU) ang mga biktima na sina Dante, 24; at Ramil Navarro, 23, kapwa tauhan ng Relvet Auto Stop na matatagpuan sa No. 14 Mindanao Avenue, Brgy. Talipapa ng nasabing lungsod.

Namatay noon din ang magkapatid matapos na magtamo ng mga tama ng bala ng 12 gauge shotgun sa dibdib at ulo.

Agad namang nadakip ang suspect na si Eddie Domingo, 33, ng King Eleazer Investigation Agency at nakatalaga sa nasabing auto shop.

Batay sa ulat, bandang alas-7:30 ng umaga nang maganap ang madugong insidente sa harap ng naturang shop.

Lumitaw sa imbestigasyon na unang nagkaroon ng komprontasyon kamakalawa ng hapon ang magkapatid at ang suspect kung saan nagbanta ang mag-utol na Navarro na papatayin nila ang naturang sekyu.

Hindi naman malinaw kung ano ang kanilang pinag-aawayan.

Kahapon, maagang dumating sa nasabing auto shop ang magkapatid ngunit hindi pinapasok ng suspect na naging dahilan upang muling humantong sa komprontasyon ang kanilang pagtatagpo.

Walang sabi-sabing ikinasa ng sekyu ang dala nitong shotgun at saka pinaputok sa magkapatid na noon din ay tumimbuwang sa kinatatayuan. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments