Patay na nang idating sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang mga biktimang sina Christine Joyce Catalan, 4, ng Block 38, Lot 6 Phase III, Dagat-Dagatan, Lapu-Lapu Extension ng nasabing lungsod at ang kapitbahay nitong si John Ralph Estephen Ayes, 3.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng pulisya kung papaano napunta ang dalawang paslit sa loob ng kotseng Mitsubishi Adventure na kulay itim na may plakang WNR-462 na pag-aari ng isang Renerio Losano, kapitbahay din ng mga biktima.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng hapon nang matagpuang nakahandusay ang dalawang bata sa loob ng naturang sasakyan na nakahimpil sa isang basketball court na matatagpuan sa Block 30, Lot 12, Lapu-Lapu Extension, Caloocan City.
Ang dalawang biktima ay natagpuan matapos na puntahan ng driver ng Mitsubishi Adventure na si Efren Cleud ang minamaneho niyang sasakyan.
Sinabi pa nito sa mga awtoridad na nakita niya ang dalawang paslit na nakahandusay sa loob ng sasakyan kayat agad siyang tumawag ng pulisya bago dinala ang mga ito sa pagamutan.
Idinagdag pa nito na nakita rin niyang nadumi at naihi ang dalawang paslit dahil sa sobrang hirap na naranasan.
Base naman sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ng NPDO, ang dalawang paslit ay namatay dahil sa suffocation.
Napag-alaman pa kay Senior Inspector Filemon Porciuncula, medico legal officer ng SOCO-NPDO na may mga galos at pasa sa ibat ibang bahagi ng katawan ang mga bata palatandaan na nanlaban ang mga ito.
Ayon naman sa mga magulang ng dalawang paslit huli nilang nakita ang kanilang mga anak bago mananghalian at nang hanapin nila ang mga ito upang kumain ay hindi na nila natagpuan.
Nagtataka rin ang mga ito kung papaanong napunta ang dalawang paslit sa loob ng kotse samantalang naka-lock naman ang pinto ng sasakyan bukod pa sa may nakalagay na car cover dito.
Kaugnay nito, hiniling din ng mga magulang ng dalawang paslit sa pulisya na isailalim sa masusing imbestigasyon ang may-ari at driver ng naturang sasakyan upang lumabas ang katotohanan sa pagkamatay ng dalawang biktima. (Ulat ni Rose Tamayo)