Ibinigay na ng mga mangingisda sa Philippine Coast Guard ang anim na pirasong bomba at isang kahon ng bala ng ibat ibang uri ng baril matapos na makuha nila ito sa Barge Pool ng Manila Bay.
Dala na rin ng pangamba na sumabog, ipinasya ng mga mangingisda na isuko na lamang ang mga ito sa kinauukulan.
Kasabay nito, inutos naman ni PCG chief Vice Admiral Arthur Gosingan ang pagsasagawa ng imbestigasyon at retrieval operation sa bisinidad ng barge pool sa paniniwalang marami pang bomba ang nasa ilalim ng dagat.
Mapanganib umano kung sa kamay ng ibang tao mapupunta ang naturang mga bomba dahil maaaring sumabog dala na rin ng kalumaan.
Ang nasabing bomba ay natitirang alaala ng malagim na sagupaan sa pagitan ng mga puwersa ng Japan kung saan kalaban nito ang pinagsanib na puwersa ng Estados Unidos at Pilipinas sa makasaysayang" Battle at the Manila Bay". (Ulat ni Danilo Garcia)