Tinatayang kilo-kilong shabu ang magagawa sa natuklasang shabu laboratory sa isang abandonadong condo unit na sa #1753 Jose Abad Santos Ave. na sinasabing dating inuupahan ng isang Eugene Quetan.
Sa pahayag ni Alice Chan, may-ari ng condominium sa mga pulis, lilinisin niya ang iniwang condo unit ni Quetan nang makita niya ang ilang container ng ephedrine, chloroform, sodium hydroxide na sangkap sa paggawa ng shabu, machine dryer at digital weighing scale.
Nagsimulang umupa si Quetan kay Chan simula Hulyo 2002 hanggang Disyembre 2003 subalit pagkatapos nito ay hindi na muling nagpakita ang una sa huli kung kayat nagdesisyon na ito na linisin ang condo unit.
Bunga nito, agad na tumawag ng mga pulis si Chan at napag-alamang minsang ginawang shabu laboratory ni Quetan ang kanyang condo unit.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang malaman kung may koneksiyon ito sa iba pang shabu lab sa Kalakhang Maynila na una nang sinalakay ng mga awtoridad.(Ulat ni Lordeth Bonilla)