Grade 6 pupil ginawang target ng sekyu,kritikal

Isang grade-6 pupil ang nasa malubhang kalagayan makaraang gawin itong target practice ng isang hindi nakikilalang security guard habang ang biktima ay naglalakad sa dalampasigan, kamakalawa ng gabi sa Navotas.

Ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng .38 cal. revolver sa dibdib ang biktimang si Cristino Miller, 12, ng Little Samar St., Brgy. San Jose ng nasabing bayan.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas- 7ng gabi ng maganap ang insidente sa labas ng Tulmar Shipping Yard na matatagpuan ilang metro ang layo sa tabing dagat ng Navotas.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa dalampasigan kasabay ang ilang kabarkada nito nang bigla na lamang umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril.

Makalipas ang ilang sandali duguang humandusay ang biktima sa buhanginan habang hawak ang kanyang dibdib sanhi ng tama ng bala ng baril.

Agad na dinala sa nasabing pagamutan ang biktima habang sa isinagawang pagsisiyasat ay nanggaling ang putok sa Tulmar Shipping Yard.

May hinala din ang mga imbestigador na posible umanong napagdiskitahan ng suspect ang service firearm at inasinta ang mga naglalakad na kabataan at dahil sa kadiliman ng pinagtatanuran nitong lugar ay hindi ito nakita ng mga saksi.

Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa naganap na insidente upang makilala ang suspect. Nakatakda ding ipatawag ang guwardiya sa nasabing shipping yard. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments