Batay sa tatlong pahinang desisyon na ipinalabas ni Judge Briccio Ygana ng Pasig RTC Branch 153, ipinag-utos nito na ipagpatuloy at huwag tanggalin ang life support system na nakakabit sa pasyenteng si Manuel Abad na ngayon ay nasa intensive care unit ng New Medical City sa petisyon na inihain ng pamilya ni Agnes Enguito, pangalawang asawa ng nabanggit na pasyente.
Sa rekord ng korte, inatake ng massive pulmonary arrest si Manuel, 57, noong Hunyo 14, at isinugod sa ICU ng New Medical City.
Subalit ilang oras ang nakalipas ay lumala ang lagay ng pasyente at na-comatose dahilan upang kabitan ito ng life support system at ito na lamang ang siyang bumubuhay dito. Ito ay nagkakahalaga ng P60,000 kada araw.
Nang malaman naman ng unang asawa ng pasyente na si Ma. Cristina Abad, dalawampung taon ng hiwalay sa pasyente na maliit na lamang ang tiyansang mabuhay ay nakipag-ugnayan ito sa pamunuan ng ospital upang ipatanggal na ang life support system sa mister sa praktikal na kadahilanan.
Agad naman itong tinutulan ni Agnes na labingwalong taon namang kinakasama ng pasyente dahil siya naman daw ang nagbabayad ng mga gastusin sa ospital at sa kanya din umuuwi ang pasyente.
Iniharap pa ni Agnes sa korte ang usapin para ito ang magdesisyon kung dapat bang alisin na ang life support system sa katawan ni Manuel.
Sa pagdedesisyon ng korte, binigyang diin ni Judge Ygana ang pagtestigo ni Dra. Liza Garcia, pangunahing doktor na tumitingin sa pasyente na lumalaban si Manuel at medyo gumaganda na ang lagay nito sa kasalukuyan. (Ulat ni Edwin Balasa)