Drug testing sa mga estudyante sinimulan

Sinimulan na kahapon ng Department of Education (DepEd) ang random drug testing sa mga estudyante ng high school sa pampubliko at pribadong paaralan.

Sinabi ni DepEd na ang drug testing ay isinagawa muna nila sa mga estudyante sa Southern Mindanao (Region XI ) na pinamunuan nina Education Undersecretary Ramon Bacani, Thelma Santos, Director ng School Health and Nutrition Center ng DepEd at ilang tauhan ng Department of Health (DOH).

Ang nasabing programa ay bilang pagtugon ng DepEd sa Comprehensive Dangerous Acts 2002 kung saan nakasaad ang kapangyarihan na isailalim sa random drug testing ang mga estudyante sa publiko at pribadong paaralan sa kolehiyo, iba pang mataas na institusyon at mga vocational technical schools.

Sinabi ni Dr. Santos na ang programa ay may limang layunin na kinabibilangan ng pag-alam sa lawak ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa hanay ng mga estudyante; sukatin ang pagiging epektibo ng mga school-based and community based prevention programs; mahadlangan ang paggamit ng ilegal na droga; isailalim sa rehabilitasyon ang mga gumagamit at palakasin ang pagtutulungan ng mga ahensiyang nakatutok laban sa ilegal na droga upang mailigtas ang mga users at dependents.

Ang lahat ng mga resulta ng pagsusuri sa mga estudyante ay magiging confidential at walang eskuwelahan ang puwedeng maglabas ng resulta nito, positibo o hindi.

Kung sa una ay positibo at maging sa kasunod na pagsusuri, ang coordinator ng pagsusuri ang siyang magsasaayos ng rehabilitasyon ng estudyante sa mga kinikilalang ospital ng DOH para malaman ang level ng paggamit ng droga ng bata.

Nitong mga nakalipas na buwan ay sumailalim na ang 17 pampubliko at pribadong paaralan sa NCR at magpapatuloy ito hanggang sa lahat ay masuri. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments