Nakilala ang mga nadakip na sina Eduardo Pedrajas, alyas Putot, lider ng grupo; mga tauhan niyang sina Nardencio Escudero, Patrick Cabillar, Evalyn Gallofin, Robert Kenneth Gallofin, Rolyn Gallofin at Roger Joseph Salem.
Sa ulat ng NBI-Anti-Fraud and Computer Crimes Division (AFCCD), kanilang sinalakay kasama ang mga opisyal ng Cash Department ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kuta ng sindikato sa may Purok Ilawod, Brgy. Poblacion, Barotac, Viejo, Iloilo noong Hulyo 8.
Armado ang mga operatiba ng search warrant na ipinalabas ni Judge Rogelio Amador ng Iloilo Regional Trial Court Branch 66.
Nabatid na naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspect na nag-iimprenta ng mga pekeng BSP bank notes na may halagang P500, P200 at P100.
Nakumpiska ng mga operatiba ang malaking halaga ng mga tapos nang pekeng pera, dalawang set ng computer at mga printing paraphernalia.
Nakadetine ngayon ang mga suspect sa NBI-Western Visayas Regional Office sa Fort San Pedro, Iloilo City at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 166 ng Revised Penal Code o Forgery Treasury Bank or bank notes and other documents payable to bearer. (Ulat ni Danilo Garcia)