Desisyon ng korte sa naudlot sa kaso ng comatose na mister

Nabalam ang pagbasa ng desisyon ng hukom sa pagdinig ng kaso kung tatanggalin ba o hindi ang life support system ng kasalukuyang comatose na pasyente makaraang hindi sumipot ang tunay na asawa nito sa pagdinig ng kaso kahapon.

Dahil dito, nagtaas ng boses sa loob ng korte si Judge Briccio Ygana ng Pasig Regional Trial Court Branch 153 makaraang malaman nito na hindi naibigay ang subpoena kay Ma. Cristina Abad, tunay na asawa ni Manuel Abad na kasalukuyang binubuhay lang ng life support gadget sa intensive care unit ng New Medical City sa Mandaluyong City.

Nagtakda rin si Judge Ygana na ire-schedule ang kanyang desisyon sa Hulyo 13, parehong petsa kung saan magtatapos ang temporary restraining order (TRO) na isinampa ni Agnes Engulto, pangalawang asawa ni Manuel Abad.

Sa pagdinig ng kaso, sinabi ni Dra. Liza Garcia, pulmonologist at personal na sumusuri sa pasyente sa kabila ng pinakikitang pagbuti ng kalagayan ng pasyente hindi pa rin niya puwedeng irekomenda ang pagtanggal ng aparato sa katawan nito at kinakailangan ng patuloy na gamutan.

Nagsimula ang kaso makaraang umapela sa korte ang pamilya ni Agnes Engulto nang malaman nitong ipinag-utos umano ng unang asawa sa opisyal ng nasabing pagamutan na tanggalin ang life support gadget ni Manuel Abad dahil sa praktikal na rason para tapusin ang paghihirap ng pasyente na kinontra naman ng pangalawang asawa. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments