Sa ginawang Parent Teacher Association (PTA) meeting kahapon sa Parang High School, Brgy. Parang, Marikina City ay agad na nagkagulo ang mga magulang nang ipaalam ng mga guro na muling isasailalim sa "Bridge Program" ang kanilang mga anak sa darating na Agosto, pagkatapos ng first quarter ng klase.
Binatikos ng mga magulang ang pabagu-bagong isip ni DepEd Secretary Edilberto de Jesus hinggil sa pagpapatupad ng naturang programa.
Inaangal din ng ilang mga magulang na bakit kailangan pang mag-test uli ang kanilang mga anak na nakapasa na sa isinagawang High School Readiness Test (HSRT) noong nakaraang buwan.
"Bale nawalan ng silbi ang pinaghirapan ng mga anak namin noong nakaraang pagsusulit", pahayag ng mga galit na magulang.
Nakasaad sa Memorandum Order No. 225 na ipinadala ng DepEd sa lahat ng pamunuan ng pampublikong paaralan sa sekondarya, ang dating High School Readiness Test ay ginawa lang National Diagnostic Test on Reading (English), Science at Math at ito ay ipatutupad sa lahat ng estudyanteng nasa unang baitang ng high school sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.
Gagawin ang naturang pagsusulit sa Agosto pagkatapos ng first grading ng klase.
Nabatid na hindi na optional kundi mandatory na ang gagawing pagsusulit at ang hindi makakapasa ay dadaan sa isang taong "Bridge Program" na ang pag-aaralan lang ay mga subjects na Math, Science at English na kailangan naman nilang maipasa para makapasok sa regular high school. (Ulat ni Edwin Balasa)