Die hard fan ng Ginebra todas sa maka-red Bull

Agad na nasawi ang isang die hard fan ng Brgy. Ginebra matapos na patrayduring saksakin sa magkabilang mata at sa katawan ng umano’y nakasagutan nitong fan ng Red Bull sa Philippine Basketball Association (PBA) sa bayan ng Navotas, kamakalawa ng gabi.

Halos lumuwa ang magkabilang mata dagdag pa ang tinamong tama sa dibdib at hindi na umabot pang buhay sa Tondo Medical Center ang biktimang nakilalang si Rene Ochoa ng Brgy. Wawa Tangos ng nabanggit na bayan.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na nakilala lamang sa alyas na Boris ng Bagong Tanza, Navotas na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng F. Roldan St. Navotas.

Nabatid na bago ang insidente ay masayang nag-iinuman ang biktima at suspect kasama ang ilang kaibigan nang mapadako ang kanilang usapan hinggil sa natapos na laban sa PBA kung saan tinalo ng Ginebra ang Red Bull sa Game 1.

Dahil dito, ay kinantiyawan ng biktima na kampi sa Ginebra ang suspect na maka-Red Bull hanggang sa mauwi sa pikunan.

Agad namang naawat ng kanilang mga kainuman ang pagtatalo ng dalawa at dahil dito ay nagpasya na nga na magsiuwi na lamang para hindi na lumaki ang gulo.

Dala ng kalasingan ay nakatulog ang biktima sa isang bangko sa nasabing lugar kung saan biglang sumulpot ang suspect at agad na pinagsasaksak si Ochoa bago mabilis na tumakas.

Mabilis na isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments