Sa 12 pahinang resolution ni State Prosecutor Emmanuel Velasco, kasong rebelyon ang isinampa laban kay dating P/Colonel Roberto Camarista; Dante Fuentes; Antonio Mercader; Rolly Pillado; Benjamin Sim at iba pang akusado.
Ang grupo ni Camarista ang siya umanong nasa likod ng mga pagtatanim ng bomba sa Metro Manila. Si Camarista ay sumuko sa mga awtoridad sa pagitan noong Hunyo 26 at 27 subalit sa preliminary inquest ng DOJ sinabi nito sa kanyang testimonya na inatasan lamang siya upang isagawa ang operasyon para pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno.
Idinawit din nito si Linda Montayre at Sim sa planong pag-antala sa proklamasyon ni Pangulong Arroyo. Kasama din sa orihinal na plano ang asasinasyon kay House Speaker Jose de Venecia sa pamamagitan ng paggamit ng rocket propelled grenade (RPG).
Nagbago lamang ang plano dahil sa wala umanong marunong gumamit ng RPG kayat kanilang napagpasyahan na bombahin na lamang ang ibat ibang tanggapan ng pamahalaan, gayunman naagapan ito ng mga awtoridad. (Ulat ni Gemma Amargo)