Ang pagkakadakip sa mga suspect ay naganap sa mismong bisperas ng inagurasyon sa Quirino Grandstand sa Maynila ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa gitna na rin ng red alert status na ipinatutupad ng AFP at PNP para sa nasabing okasyon.
Sa ulat na nakalap sa tanggapan ni Defense Secretary at Anti-Terrorism Task Force chief Eduardo Ermita, kinilala ang team leader ng JI na si Arnold Kamansa, 23, Islam at aktibong nag-ooperate sa National Capital Region (NCR).
Ang iba pang suspect ay nakilala namang sina Ahmad Ento, alyas Carlos; 30; Anward Adam, alyas Tuwa, 24, at Mama Tangkasalay, alyas Sol, 28. Ang mga suspect ay dinakip sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Enrico Lanzaras, Executive Judge ng Branch 7 ng Manila Trial Court.
Nabatid na ang mga suspect ay nadakip ng pinagsanib na elemento ng ISAFP at NCRPO sa isinagawang raid sa Block 74, Bonifacio Drive, Maharlika Village, Upper Bicutan Taguig dakong alas-4 ng madaling-araw.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga suspect ang apat na molotov bomb, limang kilo ng pinaghalong explosive charge, isang notebook na may diagram hinggil sa paggawa ng bomba, dalawang AA battery, siyam na kahon ng posporo, 30 talampakan ng electrical wires at iba pa.
Bago ang pagkakadakip sa mga suspect ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na isang grupo ng JI kabilang ang 30 Muslim ang pumuslit sa Mindanao patungong Metro Manila para magtanin ng bomba.
Patuloy na sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspect, habang pinaghahanap pa ang ilang mga kasamahan ng mga ito. (Ulat nina Joy Cantos,Lordeth Bonilla at Danilo Garcia)