WPD inuulan ng bomb threats

Tiniyak kahapon ni WPD director Chief Supt. Pedro Bulaong na hindi makakaapekto ang sunud-sunod na bomb threats na kanilang natatanggap sa gaganaping makasaysayang inagurasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Quirino Grandstand sa Ermita, Maynila bukas (Hunyo 30, 2004).

Sinabi ni Bulaong na kilala na nila ang taong nagpapakilalang si Edgar Reyes na maraming beses na tumawag sa WPD at nananakot na nakapagtanim ang kanilang grupo ng mga bomba sa ibat-ibang establisimento sa Maynila.

Base sa intelligence report ng pulisya, nabatid na isang dating pulis na napatalsik na kamakailan sa serbisyo at ngayo’y tauhan umano ni Atty. Eli Pamatong ang may kagagawan sa naturang bomb threats.

Huling tinawagan nito ang tanggapan ng WPD Press Corps at inihayag ang planong pambobomba sa mga matataong lugar kung saan nanawagan rin ito sa pagpapalaya kay Pamatong at pagbibitiw sa tungkulin ni Bulaong upang hindi ituloy ang pambobomba.

Tiniyak ni Bulaong ang seguridad sa Quirino Grandstand kung saan idadaos ang panunumpa ng Pangulo.

Kabilang sa ipapatupad na seguridad ay ang pagpapakalat ng may 1,800 pulis sa paligid ng grandstand na haharang sa mga raliyista, pagtatatag ng mga checkpoints, pagpapakalat ng mga naka-sibilyang pulis at mga K-9 dogs.

Magpapadala rin ng 600 na puwersa ng pulis ang PNP buhat sa Region 3 at 4.

Bibigyan rin ng espesyal na pagbabantay ang 16 na delegado buhat sa iba’t ibang bansa kabilang ang kinatawan ng Estados Unidos na sasaksi sa panunumpa ng Pangulong Arroyo. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments