Itoy sa gitna ng paglutang na posibleng may third party na sangkot sa barilan.
Aminado si PNP spokesman P/Chief Supt. Joel Goltiao na posibleng mabalewala ang kaso kung patuloy na magmamatigas ang dalawang panig na magbigay ng kani-kanilang statement at walang lulutang na testigo sa kaso.
Nabatid na wala pang nakukuhang statement o complaint ang Mandaluyong City Police sa pagitan ng pamilya ni Angelo Elton Yap, 14, at sa anak ng senador na si Ryan Joseph Jaworski, 31.
Napag-alaman pa kay Goltiao na umapela na ang Mandaluyong City Police sa dalawang pamilya upang magsumite ng kani-kanilang sinumpaang salaysay.
"Kailangan kasi iyong kani-kanilang statement para sa litigation, maganda ang takbo kaysa sa ma-dismiss ang kaso," ani Goltiao.
Subalit nilinaw nito na hindi naman basta-basta maliit na kaso lamang ang ihahain nila tulad ng destruction of property o alarm and scandal lamang kailangang unahin yaong mas malaking kaso tulad ng frustrated murder o serious physical injuries.
Kaugnay nito, nakahanda naman umano ang pamilya Yap na isailalim ang kanilang anak sa paraffin test.
Sinabi ng ina ni Yap na handa siyang isailalim ang anak sa paraffin test at iba pang pagsusuri para patunayan na hindi nagpaputok ng baril ang binatilyo. (Ulat ni Joy Cantos)