Kasabay nito, sinabi ni Defense Secretary at ATTF Chairman Eduardo Ermita na pinag-aaralan nila ang pagbibigay ng reward laban kay dating P/Col. Roberto Camarista para makatulong sa agarang ikadarakip nito.
Kaugnay nito na hindi nila inaalis ang posibilidad na pakawala at ginagamit lamang ng talunang pulitiko ang dating colonel.
Binigyang diin pa ni Ermita na dapat lamang madakip sa lalong madaling panahon si Camarista na itinuturing na banta sa pambansang seguridad dahilan sa posible pang panganib na magawa nito at ng kanyang grupo matapos na makapuslit sa raid.
Magugunitang si Camarista ay ikinanta ng tatlo nitong tauhan na nadakip sa isinagawang raid sa Park Place Executive Village Brookside, Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal noong Martes ng gabi.
Itinuturo itong utak sa pagpapakalat ng mga bomba sa tatlong lugar sa Metro Manila bilang bahagi ng destabilisasyon laban sa pamahalaan.
Samantala, sinisiyasat din ng ATTF ang posibilidad na sangkot ang ilang retiradong heneral na kumokontra sa administrasyon sa serye ng bomb scare sa Metro Manila.
Ayon kay Ermita, nakatanggap sila ng impormasyon na maliban kay Camarista ay sangkot din ang ilang mga retiradong heneral sa kaso bagay na masusi pa nilang bineberipika.
Gayunman, tumanggi si Ermita na tukuyin ang mga pangalan ng mga nabanggit na retiradong heneral dahil baka mabulilyaso ang kanilang operasyon. (Ulat ni Joy Cantos)