Umiwas sa pag-aresto nahulog sa 3rd floor,kritikal

Ospital ang binagsakan ng isang taxi operator matapos itong mahulog sa ikatlong palapag ng kanilang bahay nang umiwas ito sa mga aarestong pulis makaraang magwala ang una dahil sa sobrang kalasingan, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Kasalukuyang walang malay sa Manila Central University Hospital sanhi ng mga bali sa katawan si William Lopez, 28, may-asawa at residente ng #11 Simon St., Acacia, ng nasabing lungsod.

Base sa ulat, dakong alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa ikatlong palapag ng bahay ng biktima.

Lasing na lasing at nagwawala ang suspect kung kaya’t tumawag ng pulis ang mga residente. Subalit nagtatakbo ang suspect nang makita ang mga pulis at nagtuloy sa ikatlong palapag ng kanyang bahay na kasalukuyang under construction hanggang sa ito’y mahulog. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments