Inihayag kahapon ni Acting Secretary Merceditas Gutierrez na walang basehan ang pinakabagong report ng US Department of State kung saan mula sa Tier 2 ay bumaba ang klasipikasyon ng Pilipinas sa Tier 2-Watch List.
Ang mga bansang nasa Tier 2 ay ang mga bansang mayroong konkretong programa laban sa human trafficking habang ang kategoryang kinabibilangan ng Pilipinas ang Tier 2-Watch List ay para sa mga bansang bigong mapigilan ang human trafficking sa kanilang lugar.
Iginiit ng Kalihim na hindi tama na maghanap agad ang US State Department ng mga conviction ng mga nahuhuling human trafficker dahil ang batas para rito ay maituturing na isang bagong batas.
Nilinaw ng opisyal na sa binuong Inter-Agency Council Against Trafficking na siyang tumututok sa mga kaso ng human trafficking sa bansa ay hindi lamang dalawa ang naitalang conviction sa mga trafficking -related offenses tulad nang nakasaad sa ulat ng US.
Gayunman, aminado si Gutierrez na wala pang konkretong mekanismo ang Pilipinas upang matukoy ang lahat ng kaso ng trafficking sa bansa. (Ulat ni Gemma Amargo)