William Martinez aarestuhin sa paggamit ng shabu

Anumang oras simula ngayong araw na ito ay nakatakdang magpalabas ng warrant of arrest ang isang hukom sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) para arestuhin ang aktor na si William Martinez dahil sa positibo ito sa isinagawang drug test.

Kinatigan ni Pasay City RTC Judge Eleuterio Guerrero ng Branch 116 ang pasya ni Pasay City 1st Assistant Prosecutor Elmer Mitra na may prima facie evidence at pinaniniwalaang gumamit nga ng shabu si Martinez.

Naunang binaligtad ni Mitra ang desisyon ni Prosecutor Artemio Puti matapos nitong ibasura ang akusasyon na si Martinez ay gumamit ng droga makaraang damputin ang aktor sa Manila Domestic Airport habang patungo ito sa Dakak Beach Resort kamakailan.

Lumabas na positibo ang resulta ng drug test na isinagawa sa aktor ng Phil. National Police Crime Lab. sa Camp Crame.

Magugunitang kasama ng aktor ang kanyang misis na si Yayo Aguila at aktres na si Wilma Doesn’t nang masabat ng airport police. Nakumpiska dito ang isang tooter na positibo sa shabu residue. Nakalaya si Martinez matapos magpiyansa ng halagang P40,000. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments